Welcome sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang resulta ng pinakahuling Pulse Asia’s Ulat ng Bayan Survey, kung saan 57% ng mga Pilipino ang aprub sa pagsisikap ng administrasyong Marcos na tugunan ang pangangailangan ng mga lugar na naapektuhan ng kalamidad.
Ayon kay DSWD Asst. Secretary for Disaster Response Management Group (DRMG) Irene Dumlao, ang magandang approval rating na ito ay bunga ng maayos na koordinasyon sa pagitan ng pamahalaan at ng mga LGU sa panahon ng kalamidad at sakuna.
Binigyang-diin din ni Asec. Dumlao ang papel ng programang Buong Bansa Handa sa pagpapalakas ng kapasidad ng DSWD na tugunan ang pangangailangan ng mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Kasama na rito ang pinaigting na prepositioning at replenishment ng relief supplies na nagpalakas ng operasyon ng kagawaran.
Dagdag pa nito, sa kabila ng malawak na epekto ng mga nagdaang bagyo, hindi nagkulang ang pamahalaan at pribadong sektor sa paghahatid ng tulong sa pamamagitan ng isang “whole-of-nation” approach.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni Asst. Secretary Dumlao na patuloy nilang paiigtingin ang pakikipagtulungan sa mga LGU, at mga development partners para palakasin ang kakayahan ng bansa sa pamamahala ng sakuna.
Kabilang din sa prayoridad ng ahensya ang pagtatayo ng mas maraming repacking centers at storage facilities.
“As part of the government’s disaster responders, we are immensely grateful for the positive opinion and appreciation given by the public. Rest assured that we embrace your favorable rating not just as a badge of honor, but as a driver to continuously improve our mandate,” Asst. Secretary Dumlao. | ulat ni Merry Ann Bastasa