Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na walang tigil ang kanilang operasyon para sa “Ligtas Paskuhan” monitoring ngayong holiday season.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni PNP Spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo na magpapakalat sila ng mga pulis sa mga barangay upang makipagtulungan sa mga lokal na opisyal laban sa mga akyat-bahay na nambibiktima ng mga kababayang uuwi sa mga probinsya.
Pinaalalahanan din ni Fajardo na tiyaking maayos ang seguridad ng kanilang mga bahay at tindahan bago umalis at huwag i-post sa social media ang kanilang mga aktibidad.
Nagbabala naman ang PNP sa publiko na maging mapagbantay sa kanilang mga gamit dahil inaasahang dadagsa ang mga pasahero sa mga terminal at dito nanamantala ang mga kawatan.
Samantala, nasa 37,000 na mga pulis ang ipakakalat ng PNP sa buong bansa upang matiyak ang ligtas at maayos na pagdiriwang ng holiday season. | ulat ni Diane Lear