Nakahandang tumugon 24/7 ang mga tauhan ng Manila Electric Company (Meralco) sa anumang posibleng maging problema sa serbisyo ng kuryente ngayong kapaskuhan.
Ayon kay Meralco Vice President at Head of Corporate Communications Joe Zaldarriaga, hinihimok nila ang mga customer na maging mapagmatyag sa ligtas na paggamit ng kuryente ngayong kapaskuhan.
Nagbigay din ang Meralco ng mga paalala sa kanilang customers para sa ligtas na pagdiriwang ng holiday.
Una, gumamit lamang ng Christmas lights na may quality control markings at suriin ang mga lumang ilaw para maiwasan ang sunog. Ikalawa, iwasang gumamit ng mga pako at thumb tacks sa pagkakabit ng mga Christmas light dahil maaari itong magdulot ng pagkasira nito at sunog.
Nagbabala din ang Meralco na iwasan ang tinatawag na ‘octopus connection’ o ang pagdugtung-dugtong ng mga extension cord dahil ito ay karaniwang sanhi ng sunog.
Pinapayuhan din ang publiko na tanggalin sa saksakan ang mga Christmas light at appliance kapag hindi ginagamit at tiyaking may nakahanda na fire extinguisher sa bahay. | ulat ni Diane Lear