Ngayong bisperas ng Pasko, ipinanawagan ng Task Force Kanlaon ang pagkakasa ng mandatory evacuation para sa lahat ng mga residenteng nakatira sa 6 kilometer extended danger zone sa bulkang Kanlaon.
Ito ang inihayag ni Task Force Kanlaon Chairman Raul Fernandez nang pangunahan nito ang Regional Inter-Agency Coordinating Cell bunsod ng tumataas na volcanic activity sa bulkan.
Sa naturang pulong, inirekumenda ng PHIVOLCS ang pagsasagawa ng mandatory evacuation gayundin ay hinimok nito ang mga Lokal na Pamahalaan sa paligid ng bulkan na paghandaan ang inaasahang pagtataas ng Alert Level 4.
Dito, inaasahan ang mas mapaminsalang epekto ng pag-aalburoto ng bulkan gaya ng major ground deformation sa sandaling lumala pa ang sitwasyon at sabayan pa ng pagbuhos ng ulan dala ng shear line.
Bukod dito, mahigpit ding binabantayan ng mga awtoridad ang potensyal na pagkakaroon ng food poisoning dahil sa hindi maayos na pag-iimbak ng mga pagkaing pagsasalu-saluhan ng mga evacuee sa noche buena mamayang gabi. | ulat ni Jaymark Dagala