Ngayong papauwi ang mga Pilipinong seafarer para sa Kapaskuhan, binigyang-diin ni Senador Sherwin Gatchalian ang kahalagahan ng Magna Carta for Filipino Seafarers para mabigyan sila ng mas malakas na proteksyon at mas ligtas na mga kondisyon.
Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Republic Act 12021 nitong September 2024.
Ayon kay Gatchalian, ang nalalapit na paglabas ng implementing rules and regulations (IRR) ng batas ay pagpapakita ng dedikasyon ng bansa sa pagpapatibay ng International Maritime Safety Standards.
Tinututukan aniya nito ang pagpapabuti ng pagsasanay at accrediation processes para sa mga Pinoy seafarer.
Ipinaliwanag ng senador na layon ng batas na tiyakin na ang mga Pilipinong seafarer ay magkakaroon ng karapatan sa isang ligtas at maayos na lugar ng trabaho na sumusunod sa mga pamantayan ng kaligtasan, patas na mga kondisyon at termino ng trabaho, disenteng kondisyon sa pagtatrabaho at pamumuhay sa barko, at maayos na serbisyong medikal para sa parehong overseas at domestic seafarers.
Binigyang-diin ni Gatchalian na batay sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), mahalaga ang kontribusyon ng mga Pinoy seafarer sa ekonomiya ng Pilipinas.
Mula Enero hanggang Oktubre 2024, umabot sa $5.69-billion ang kabuuang remittances nila, mas mataas ng 14% kumpara sa $5.61-billion na naitala para sa parehong panahon noong 2023. | ulat ni Sherwin Gatchalian