Nanawagan si House Deputy Majority Leader Janette Garin sa publiko na maging maingat matapos madiagnose ng Médicins Sans Frontières (MSF), isang grupo ng mga doktor, ang nasa 1,280 na residente ng Tondo Manila na may tuberculosis.
Aniya nakakabahala ito at kailangan ng kagyat na tugon mula sa pamahalaan.
Sabi pa ng Iloilo First District Representative na nakita rin nila ang ganitong sitwasyon sa ikinasa nilang mga medical mission sa Iloilo.
Isa naman sa inaalala ng datimg health secretary ay ang madalas na pagiging out of stock ng gamot kontra TB sa mga public medical facility.
“Nakakabahala na kulang ang gamot para sa ganitong uri ng sakit. Tamang distribution at maaayos na sistema sa pagbibigay ng gamot ang kailangan upang matiyak na makakakuha ng sapat na gamot ang mga Pilipino,” giit niya
Batay sa datos ng US Agency for International Development, nasa 741,000 ang tinatayang kaso ng TB sa Pilipinas noong 2021 kung saan nasa 61,000 ang nasawi. | ulat ni Kathleen Forbes