Umaapela ngayon si Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte sa mga kasamahang mambabatas sa Senado na aprubahan na ang “Gig Economy Bill”.
Sana aniya ay mapagtibay ito ng Mataas na Kapulungan bago ang sine die adjournment ng Kongreso sa susunod na linggo.
Aniya, napapanahon ang panukalang batas lalo at tinatayang nasa 1.5 million na ang mga freelancer sa bansa at patuloy na dumarami.
Kalimitan na ang trabaho ng mga ito ay online gaya ng pagiging content creators, medical transcriptionists, financial analysts at virtual assistants.
“With the rapid growth of the global freelance economy and the resultant surge in demand for so-called gig workers not only in the Philippines but elsewhere in the world as well, it behooves our Congress to accord full job protection to our Filipino freelancers who are actually at risk of unfair labor practices in the absence of work contracts with their employers,” sabi ni Villafuerte.
Ilan sa probisyon ng Freelance Workers’ Protection Act ang pagkakaroon ng kontrata ng employer at freelancer bago ang pagsisimula ng trabaho, pagbibigay ng night shift differential pay at hazard pay, at paunang bayad na 30% ng kabuuang halaga ng kontrata. | ulat ni Kathleen Jean Forbes