Sa pagdiriwang ng kapaskuhan, umaasa si Quezon City Mayor Joy Belmonte na pahahalagahan ng bawat isa ang pamilya.
Sa kanyang Christmas message, binigyang diin ng alkalde na higit pa sa materyal na bagay, ang diwa ng Pasko ay nasa pagmamahalan at pagkakaisa ng bawat pamilya.
”Sa kabila ng komersyalismo, ang pamilya pa rin ang sentro ng Paskong Pilipino. Christmas is for the family, no matter how one defines family,” Belmonte.
Iba iba man aniya ang anyo ng bawat pamilya, ito man ay tradisyunal o blended family, mahalagang ipadama ang pagmamahal sa bawat isa.
Nananatili naman aniyang nakahanda ang pamahalaang lungsod para umalalay sa mga pamilyang nangangailangan.
Tinukoy din ng alkalde na naayos na ngayong taon ang dokumento ng mga mag-asawang deka-dekada na ang pagsasama at gayundin ang LGBTQIA+ couples sa kanilang karapatan na makapagdesisyon sa usaping medikal.
Tumugon din ang lokal na pamahalaan ng Quezon City sa mga panawagan ng mga magulang na nasa ibang bansa na nangangailangan ng tulong sa paggabay sa kanilang mga anak na naninirahan sa lungsod.
Sa panahon ng Kapaskuhan, umaasa ang alkalde na anuman ang pinagmulan ng bawat isa ay matagpuan pa rin ang daan pabalik sa pamilya at muling buhayin ang pagmamahal sa isa’t isa. | ulat ni Merry Ann Bastasa