Ipinaabot ni Speaker Martin Romualdez ang taos-pusong pagbati nito ng Maligayang Pasko sa bawat pamilyang Pilipino, nasaan man silang panig ng mundo.
Aniya, ang panahong ito ay simbolo ng saya, pasasalamat, at pagninilay, at isang pagkakataon na maipagdiwang ang pagmamahal at pagkakaisa na nagbibigkis sa bawat isa bilang isang bansa.
“As we celebrate this joyous season, I extend my heartfelt Christmas greetings to every Filipino family, wherever you may be in the world. This season is a time of joy, gratitude, and reflection—a moment to honor the love and unity that bind us as a nation,” ayon kay Speaker Romualdez.
Aniya, hindi naging madali ang taong ito, lalo na para sa mga nawalan at naharap sa matitinding pagsubok dulot ng magkakasunod na kalamidad.
Bukod pa aniya ito sa mga hamon na sumubok sa katatagan ng mamamayan, hanggang sa mga ingay at hidwaang pulitikal na nagtangkang magdulot ng pagkakawatak-watak.
Ngunit, nananatili aniyang matatag ang diwa ng pagkakaisa, malasakit at pananampalataya ng bawat Pilipino.
Sa gabay na rin aniya ng Diyos at sa hindi matitinag na katatagan ng sambayanang Pilipino, ay sama-samang nalampasan ang mga hamon at pagsubok na dumating.
“Christmas reminds us of what truly matters—faith, family, and compassion. It is a time to rise above our differences and focus on the shared values that make us one people,” saad pa niya.
Paalala pa ng lider ng Kamara, na ang simpleng pagdamay sa kapwa ay nagbibigay-liwanag sa kanilang buhay.
Kaya mahalaga rin na ipagpasalamat kahit ang nga munting biyaya at patuloy na ipagdasal ang mga kababayan natin.
Paghikayat pa niya sa bawat mamamayang Pilipino, na sa pagharap sa Bagong Taon ay bitbitin ang pangako ng mas maliwanag na bukas.
“As we prepare to welcome the New Year, let us hold onto the promise of a brighter future. Sa ating pagkakaisa at pagtutulungan, makakamtan natin ang mas maayos, mas maunlad, at mas mapayapang Pilipinas,” ani Romualdez. | ulat ni Kathleen Forbes