Naglabas ng Rainfall Advisory No. 3 ang PAGASA ngayong hapon, ika-24 ng Disyembre 2024, kaugnay ng shear line na nagdudulot ng katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa. Sa loob ng susunod na dalawa hanggang tatlong oras, inaasahang mararanasan ang mga pag-ulan sa Northern Samar, Sorsogon, Albay, Camarines Sur, at Marinduque.
Kabilang sa mga lugar na direktang apektado sa Albay ang Manito, Legazpi City, Daraga, at iba pa, habang sa Camarines Sur, kasama ang Naga City, Iriga City, at Pili. Sa kasalukuyan, nararanasan na ang mga pag-ulan sa Catanduanes, ilang bahagi ng Albay at Camarines Sur, Northern Samar, at Romblon.
Pinapayuhan ang publiko at ang mga Disaster Risk Reduction and Management Offices na patuloy na subaybayan ang lagay ng panahon at maghintay ng susunod na advisory na ilalabas alas-8 ngayong gabi. Panatilihin ang pag-iingat laban sa posibleng pagbaha at landslide.| ulat ni Emmanuel Bongcodin| RP1 Albay