Pinaalalahanan ni Senate Committee on Public Services Chairman Senador Raffy Tulfo ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno na iprayoridad ang kaligtasan, seguridad at kaginhawaan ng mga kababayan nating papauwi sa mga probinsya ngayong kapaskuhan.
Ito ay sa gitna na rin ng inaasahang pagdagsa ng mga tao sa mga pantalan, paliparan at bus terminal.
Partikular na nanawagan si Tulfo sa Philippine Coast Guard na tiyaking mas mahigpit ang kanilang inspeksyon sa mga sasakyang pandagat na bibyahe.
Gayundin aniya ang LTFRB at LTO na dapat aniya’y maging alisto sa pagche-check ng road worthiness at pagsunod ng mga pampasaherong bus sa mga alituntunin bago bumiyahe.
Pagdating naman sa mga pamunuan ng Ninoy Aquino International Airport, pinatitiyak ng senador na walang magiging VIP treatment sa iilan at gawin aniyang strikto ang pagdaan sa security at verification processes gaya ng frisking at x-ray machines.
Binigyang diin rin ng senador na mahalang tiyakin ng mga toll operator na walang RFID scanners o readers na papalya para hindi maabala ang biyahe ng ating mga kababayan. | ulat ni Nimfa Asuncion