Ikinagalak ng mga senador ang anunsyo ni Health Secretary Teodoro Herbosa na hindi na kailangan ng mga senior citizen na ipakita ang kanilang booklet para makakuha ng diskwento sa mga gamot.
Ayon kay Senadora Loren Legarda, malaking tulong ito para sa mga lolo at lola at mga indigent senior citizen para sa maayos na pagpapatupad ng batas tungkol sa senior citizen discount.
Welcome rin kay Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. ang hakbang na ito ni Herbosa dahil bawas intindihin na aniya ito para sa mga senior.
Bukod kasi aniya sa kailangan pang kumuha ng booklet ay madalas ring nakakalimutan o nawawala ng mga senior citizen ang booklet kaya hindi nila napapakinabangan ang discount.
Sinabi ni Revilla na dahil dito ay mas madali nang makukuha ng mga senior citizen ang mga benepisyong nararapat lang para sa kanila. | ulat ni Nimfa Asuncion