Binigyang-diin ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na hindi lang basta ligal na obligasyon, kundi isang moral obligation rin ng mga employer ang pagbibigay ng 13th-month pay ng kanilang mga manggagawa.
Ayon kay Estrada, nararapat lang itong ibigay bilang pagkilala sa kanilang dedikasyon sa trabaho.
Malinaw rin aniyang karapatan ng mga manggagawa na makatanggap ng 13th-month pay sa ilalim ng Presidential Decree 851.
Kaya naman giit ng senador, sinumang hindi susunod dito ay mahaharap sa ligal na pananagutan gaya ng administrative penalties o kriminal na kaso.
Binigyang-diin ni Estrada na dapat pairalin ng mga employer ang pagiging patas at makatarungan sa pamamagitan ng pagtupad sa mga obligasyon sa mga empleyado at pagsuporta sa kanilang kapakanan ngayong Kapaskuhan. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion