Hindi lamang mga evacuee na apektado ng pagsabog ng Bulkang Kanlaon ang nagdiwang ng Pasko sa mga evacuation center sa Canlaon City, kung hindi pati na rin ang mga tauhan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region-7.
Mula nang naitala ang muling pagsabog ng Bulkang Kanlaon noong December 9 hanggang sa ipinatupad ang mandatory evacuation sa mga residenteng nakatira sa 4-6 kilometer permanent danger zone, palaging nakaalalay ang DSWD-7 upang magbigay ng agarang tulong sa mga apektadong residente.
Nasa 127 kasapi ng DSWD-QRT ang kasamang nag Pasko sa mga evacuation center sa Canlaon City.
Ilang oras bago mag Pasko, nagsagawa pa ng psycho-social activity ang ahensya para sa mga mag-asawang nasa Camp 8, isa sa 10 evacuation centers sa lungsod.
Nagkaroon ng pagkakataon ang 20 partisipante na makapagbahagi ng kanilang mga kinakaharap na hamon sa kanilang pagsasama at sa kanilang pamilya, at kung ano ang kanilang mga ginagawang hakbang upang malagpasan ito.
Una nito tumulong rin ang mga tauhan ng ahensya sa pagbabalot ng mga regalo, at paghahanda para sa pagsagawa ng gift giving activity na pinangunahan ng Office of the Civil Defense Region -7. | ulat ni Angelie Tajapal, Radyo Pilipinas Cebu
Photos: DSWD-7