Umabot sa 9 na rockfall events ang naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa bulkang Mayon, ayon sa pinakahuling ulat ng ahensya ngayong araw, December 27. Sa kabila nito, nananatiling nakataas sa Alert Level 1 ang estado ng Mayon at nakapagtala din ng mahinang banaag o crater glow sa bunganga ng bulkan, ngunit natatakpan ito ng ulap.
Nakapagtala din ng nasa 1,058 tonelada/araw ng Sulfur Dioxide na ibinunga ng Bulkang Mayon base sa monitoring ng ahensya noong December 2 at katamtamang pagsingaw o plume na napadpad sa kanluran-timog-kanluran. Nagkaroon din ng panandaliang pamamaga ang bulkan.
Sa ngayon, ipinagbabawal pa rin ang pagpasok sa loob ng 6 km Permanent Danger Zone at paglipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa ibabaw ng bulkan. Nagbigay din ng paalala ang ahensya sa publiko na maaaring maganap ang biglaang pagputok ng steam o phreatic explosions sa bulkan o magkaroon ng rockfall mula sa tuktok ng bulkan. Maaari rin maganap ang pagdaloy ng lahar kung may matinding pag-ulan. | ulat ni Paul Hapin | RP1 Albay