Magkasabay na binabantayan ng Department of Health (DOH) ang mga mabibiktima ng paputok, at mapuputukan ng ugat sa kabila ng kaliwa’t kanang handaan, ngayong holiday season.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni DOH Assistant Secretary Albert Domingo, na simula December 21 hanggang December 26, nasa 71 ang mga pasyente na naitalang na-stroke, 41 pasyente ang inatake sa puso, habang 46 isa naman ang nakaranas ng hika.
“Ehersisyo. Ang sarap po ngayon maglakad-lakad, mamasyal. Hindi naman kailangang gym kaagad at sobrang exercise. Kahit iyong physical activity na naglalakad, malaking tulong ho iyan para mabawas-bawasan ang ating risk na magkaroon ng heart attack. Sabi nga nila, galaw-galaw para hindi agad pumanaw.” —Domingo
Sabi ng opisyal, kapansin -pansin na tumaas ang bilang ng mga na-stroke at heart attack papunta sa bisperas ng Pasko, saka bumagsak.
“I-highlight natin doon iyong takbuhin kasi ito ang unang pagkakataon na sinasabay natin sa monitoring ng paputok ang pagputok rin ng mga ugat na ayaw nating mangyayari kaya dapat nag-iingat tayo. Tingnan natin iyong datos, medyo tumataas iyong bilang noong mga nagkakaroon ng stroke saka hearth attack papunta doon sa bisperas ng Pasko and then bumagsak.” —Domingo
Ngayong papalapit na aniya ang media noche, at dadami na naman ang mga handaan, payo ng opisyal, maghinay -hinay sa mga kakainin, at manatiling aktibo ang pangangatawan.
“Bawas-bawasan iyong mga pagkaing masyadong matamis, mataba at maalat. Sundan ang Pinggang Pinoy – kalahati noong pinggan natin ay dapat sariwang gulay at prutas; isang kapat lamang ng ating carbohydrates iyong mga kanin at pansit; tapos isang kapat lamang iyong ating karne at saka iyong matatabang pagkain.” —Domingo.