Sisimulan na ng Bureau of Immigration (BI) ang taunang annual report para sa mga rehistradong dayuhang naninirahan sa bansa simula Enero 2025.
Ayon sa batas, kailangang personal na magtungo ng mga registered foreign nationals sa BI sa loob ng unang 60 araw ng taon. Dapat nilang iprisenta ang mga kinakailangang dokumento kabilang ang kanilang ACR I-Card.
Ayon kay Atty. Jose Carlitos Licas, Jr., pinuno ng Alien Registration Division ng BI, maaaring mag-avail ng serbisyo ang foreigners sa pamamagitan ng e-services.immigration.gov.ph.
Para sa personal na pagproseso, may processing na isasagawa sa 4th Level Center Atrium ng Robinsons Manila at sa Government Service Express Unit ng SM Mall of Asia mula Lunes hanggang Biyernes, 9:00 ng umaga hanggang 6:00 ng gabi, maliban kung holidays.
Bukod sa mga nasabing lokasyon, maaaring magtungo ang mga rehistradong dayuhan sa alinmang BI offices sa buong bansa para mag-report. | ulat ni EJ Lazaro