Nagsimula nang maglatag ng kanilang mga paninda ang mga nagbebenta ng prutas sa bahagi ng New Panaderos partikular na sa Kalentong Market sa Mandaluyong City dalawang araw bago ang 2025.
Sa katunayan, sinakop na ng mga nagtitinda ng iba’t ibang pagkain at kagamitan para sa pagsalubong sa Bagong Taon ang bike lane na pinayagan naman ng Lokal na Pamahalaan hanggang bukas, Bisperas ng Bagong Taon.
Kaya bukod sa mga namimili sa palengke ay nakadagdag din sa mabigat na daloy ng trapiko ang mga nagbabagsak ng kanilang produkto sa mga nakapuwesto rito.
Pero nangangamba ang ilang nagtitinda ng prutas na maging matumal ang bentahan dahil sa umuulan kaya’t umaasa silang tumila na ito upang gumanda naman ang bentahan.
Sa pagtatanong-tanong ng Radyo Pilipinas, ang Green Apple ay mabibili sa halagang Php 45 ang kada piraso; ang Red Apple naman ay mabibili sa Php 35 ang kada piraso pero maaaring makuha na sa 3 sa Php 100 gayundin ang Peras.
Ang Orange mula Taiwan ay mabibili sa halagang Php 40 ang kada piraso habang ang Fuji Apple ay mabibili sa Php 20 ang kada piraso pero maaari nang mabili sa Php 50 kada 3 piraso.
Mabibili naman sa Php 160 ang kada kilo ng Kiat-kiat habang ang Red Grapes ay nasa Php 240 ang kada kilo habang ang Green Grapes naman ay mabibili sa Php 400 ang kada kilo.
Ang Longgan ay mabibili sa Php 200 ang kada kilo habang ang Lemon ay Php 20 kada piraso pero kaya nang ibigay sa Php 50 ang kada 3 piraso. | ulat ni Jaymark Dagala