Sinuspinde ng Bureau of Corrections (BuCor) ang ilang tauhan nito kasunod ng naganap na insidente ng saksakan sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City, na ikinasawi ng isang person deprived of liberty (PDL) at ikinasugat ng dalawa pa.
Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr., apat na personnel ng NBP, kabilang ang Acting Commander of the Guards, ang agad na sinuspinde upang bigyang-daan ang imbestigasyon. Kasama rito sina Corrections Inspector Louie Rodelas, Corrections Officers 1 Christian Alonzo, Joshua Mondres, at CO1 Glicerio Cinco Jr.
Nagkaroon umano, ani Catapang, ng pagkukulang sa kanilang operasyon na nagresulta sa pagkamatay at sugatang mga PDL. Tiniyak ni Catapang na mananagot ang mga sangkot dito at ipinahayag sa mga tauhan nito ang pagpapaigting ng seguridad sa loob ng bilangguan.
Hinihikayat din ng BuCor ang Commission on Human Rights, National Bureau of Investigation, at Philippine National Police na magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon upang matiyak ang transparency at mga dapat managot. | ulat ni EJ Lazaro