Hindi pabor si Camarines Sur Representative LRay Villafuerte sa mungkahi ni dating Senador Franklin Drilon na ipagpaliban muna ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang implementasyon ng ilang proyekto hanggang matapos ang eleksyon, para iwas politika.
Ani Villafuerte, maaapektuhan nito ang mga mahahalagang proyekto lalo na ang mga pagsasa-ayos ng mga imprastraktura na nasira dahil sa magkakasunod na bagyo.
Ilalagay din aniya nito sa alanganin ang mga high-risk o disaster vulnerable communities bukod pa sa makaka-apekto rin sa paglikha ng trabaho at patuloy na paglago ng ekonomiya ng bansa.
“Putting infrastructure projects on hold till the year’s second half, especially those planned public works meant to make vulnerable communities highly resilient ahead of this year’s typhoon season, will mean putting these places at risk anew this year for the tropical cyclones and other natural calamities of increasing frequency and intensity as a consequence of the climate crisis,” ani Villafuerte.
Inihalimbawa niya ang nangyaring traffic sa Andaya Highway na inabot ng pito hanggang walong oras.
Kung ipagpapaliban pa aniya ang pagsasa-ayos nito hanggang matapos ang eleksyon ay tatagal din ang kalbaryo ng mga biyahero.
Paalala pa ng kongresista ang infrastructure works ang may pinakamalaking multiplier effect lalo na para sa mga lokal na ekonomiya.
Pinasinungalingan din ng kinatawan na “pork barrel” projects ang mga ito. | ulat ni Kathleen Jean Forbes