Pasado na sa House of Representatives ang panukalang batas na magtatakda at magdedeklara ng maritime zones na sakop ng Pilipinas.
284 na boto ang nakuha ng House Bill 7819 na layong tukuyin at ideklara ang bahagi ng maritime area ng Pilipinas salig sa United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS.
Sakop nito ang internal waters, archipelagic waters, 12 nautical miles ng territorial sea, 24 nautical miles ng contiguous zone, 200 nautical miles ng exclusive economic zone at 200 nautical miles ng continental shelf.
Kikilalanin din nito ang sovereign rights ng Pilipinas sa naturang mga lugar kabilang ang karapatan na i-explore at i-exploit ang non-living resources na makikita rito salig sa UNCLOS.
Nakapaloob din dito ang “Reciprocity and Mutuality” provision kung saan bibigyang karapatan ang Pilipinas na hindi padaanin ang anomang foreign vessels o aircraft na hindi sang ayon sa probisyon ng UNCLOS.
Diin ng mga mambabatas, mahalagang matukoy ang sakop ng Philippine maritime territory para sa ating food at economic security gayundin ay mapalakas ang posisyon ng bansa sa West Philippine Sea sa pakikipagnegosasyon sa ating mga kalapit bansa sa rehiyon.
Isa rin sa dahilan kung bakit itinulak ito ng Kamara ay bilang tugon sa patuloy na panggigipit sa ating mga mangingisda sa loob mismo ng ating exclusive economic zone bukod pa sa palagiang illegal passage sa ating katubigan.
Pagsuporta rin ito anila ito sa nauna nang pahayag ng Pang. Ferdinand R. Marcos Jr na hindi isusuko ng Pilipinas ang kahit katiting nitong teritoryo sa sinomang foreign power. | ulat ni Kathleen Jean Forbes