Iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang 2.9% na inflation noong buwan ng Disyembre.
Ayo kay PSA National Statistician at Undersecretary Dennis Mapa, mas mabilis ito sa 2.5% ang inflation noong Nobyembre pero mas mabagal kung ikukumpara sa 3.9% inflation sa kaparehong buwan ng 2023.
Dahil dito, ang full-year average inflation ay naitala sa 3.2% na mas mababa mula sa 6% na inflation sa buong taon ng 2023.
Pasok pa rin naman ito sa target range ng gobyerno na average inflation sa 2024.
Paliwanag ng PSA, ang pagtaas ng December inflation ay bunsod ng mabilis na galaw sa singil sa kuryente, LPG, at renta sa bahay.
Nakaambag din ang mabilis na inflation sa gasolina, diesel, at pamasahe sa barko.
Naitala naman sa 3.4% ang food inflation kung saan pangunahing nakaambag ang mabilis na galaw sa presyo ng kamatis at manok.
Nananatili namang mababa ang inflation sa bigas na nasa 1.3%.
Kaugnay nito, bumilis din sa 3.1% ang inflation sa NCR habang naitala sa 2.9% naman ang inflation sa mga lugar sa labas ng Metro Manila. | Merry Ann Bastasa