Halos dalawang oras na nagbuga ng abo ang Bulkang Kanlaon kaninang umaga.
Sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), nagsimula ang ash emission kaninang alas-10:25 ng umaga na tumagal hanggang alas-12:20 ng tanghali.
Lumikha ng kulay gray na plumes o pagsingaw ng hanggang 500 metro ang taas mula sa crater ng bulkan, bago napadpad papuntang Timog-Kanluran.
Ayon pa sa PHIVOLCS, may kabuuang tatlong (3) discrete ash emission events ang naobserbahan din kahapon.
Sa nakalipas na 24 oras, nakapagtala ng 14 na volcanic earthquake sa Kanlaon kabilang ang isang volcanic tremor na tumagal ng 29 na minuto.
Nagbuga din ng 2,924 toneladang sulfur dioxide flux at pagsingaw ng hanggang 300 metro ang taas.
Nananatili pa ring nakataas ang Alert level 3 status sa Bulkang Kanlaon. | ulat ni Rey Ferrer