Hindi tumitigil ang Pamahalaan sa paggawa ng mga hakbang upang mapaganda pa ang Labor Market ng Pilipinas.
Ito ang tinuran ng National Economic and Development Authority (NEDA) makaraang maitala ng pagbaba ng unemployment rate o bilang ng mga walang trabaho nitong Nobyembre.
Batay kasi sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), naitala sa 3.2% ang unemployment rate na mas mababa kumpara sa 3.9% noong Oktubre.
Ayon sa NEDA, mas mababa rin ang naitalang November unemployment rate kumpara sa 3.6% na naitala sa kaparehong panahon noong 2023.
Sinabi rin ni Balisacan na kabilang sa patuloy nilang pinagsusumikapan ay ang pagpapalakas sa sektor ng connectivity, telecommunications, energy, at water na siyang makalilikha ng mas marami pang trabaho para sa mga Pilipino.
Inaasahan ding makapagbibigay ng karagdagang kita sa bansa ang kasasabatas lamang na Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises to Maximize Opportunities for Reinvigorating the Economy (CREATE MORE) Act na magpapaganda rin sa takbo ng ekonomiya.
Kasunod nito, inanunsyo rin ni Balisacan na kanilang ilalabas ngayong buwan ang Philippine Development Report 2024 kung saan nakalatag ang mga tagumpay na tinamo ng bansa. | ulat ni Jaymark Dagala