Iminungkahi ng Police Regional Office (PRO) 3 sa Commission on Elections (Comelec) na ideklara ang 12 bayan sa Nueva Ecija, Bataan, Bulacan, at Pampanga bilang election areas of concern para sa darating na halalan sa Mayo 2025.
Ayon kay PRO 3 Director Brig. Gen. Redrico Maranan, batay sa kasaysayan ang Central Luzon ay mayroong matinding political rivalry at nakapagtala ng karahasan sa mga nakalipas na eleksyon.
Aniya, nagdagdag sila ng mga pulis at iba pang logistical resources sa mga lugar na tinukoy para matiyak ang seguridad.
Tinututukan din ng PRO3 ang natitirang isang private armed group (PAG) sa rehiyon partikular na sa Nueva Ecija, kaya’t mahigit 200 pulis ang idineploy sa probinsya.
Bukod dito, sinabi rin ni Maranan na pinaigting ng PRO 3 ang kampanya laban sa loose firearms.
Umabot sa mahigit 1,300 na baril ang nakumpiska mula Oktubre hanggang Disyembre 2024 sa pamamagitan ng checkpoint operations at search warrants. Habang limang criminal gang din ang nabuwag sa huling bahagi ng nakaraang taon. | ulat ni Diane Lear