Maghahain si Senate President Chiz Escudero sa Lunes ng substitute bill para sa isinusulong na panukalang rightsizing ng pamahalaan.
Ayon kay Escudero, sa isusumite niyang substitute bill ay nais niyang linawin ang ilan sa mga isyu sa naturang panukala.
Kabilang na dito ang aniya’y pagkakaroon ngayon ng negatibong imahe ng panukala, dahil nakalagay sa explanatory note nito na bloated na ang burukrasya kaya kailangang mag-abolish ng ilang mga ahensya, at bawasan ang mga empleyado sa pamahalaan.
Pero giit ng Senate President, ang totoong ibig sabihin ng rightsizing ay pagsasaayos ng istraktura ng pamahalaa,n at maaari rin itong magbunga ng mga bagong posisyon at opisina.
Idinagdag rin ng senador, na dapat isama sa rightsizing bill ang pagsisiguro na ginagawa talaga ng isang government employee ang trabahong itinatakda sa kanyang job item.
Ipinunto rin ni Senador Sherwin Gatchalian ang pangangailangan na rebyuhin ang mandato ng ilang mga ahensya ng pamahalaan, dahil ang ilan ay outdated habang ang ilan naman ay redundant o pareho lang sa iba pang ahensya o opisina sa pamahalaan.
Target ng Senado na mapagdebatehan sa plenaryo ang rightsizing bill sa kanilang pagbabalik sesyon sa susunod na linggo. | ulat ni Nimfa Asuncion