Para kay Senador Sherwin Gatchalian, maituturing na suntok sa buwan ang Rightsizing Bill, na suportado ng Malacañang.
Paliwanag ni Gatchalian, hanggang ngayon kasi ay wala pang naiprepresentang malinaw na cost-benefit analysis at impact study dito ang Ehekutibo, partikular ang Department of Budget and Management (DBM).
Ayon sa senador, sa ginawang consultative meeting sa Senado kahapon, marami pang tanong ang hindi nasasagot at mismong ang DBM ang nagsabing nagpapatuloy pa rin ang pag-aaral nila tungkol dito.
Nilinaw naman ng mambabatas na suportado niya ang konsepto ng rightsizing dahil aminado naman siyang may mga opisina at ahensya ng gobyerno ang outdated na ang mandato at ang iba ay redundant na.
Gayunpaman, giniit ni Gatchalian na dapat maging malinaw ang mga probisyon ng panukala lalo’t ibibigay sa Pangulo ng bansa ang kapangyarihan na mag-alis o magsama ng mga opisina ng pamahalaan.
Umaasa ang senador na sa isusumiteng pag-aaral ng DBM sa panukala ay makakasama na ang listahan ng mga opisina ng gobyerno na posibleng ma-abolish o mapagsama. | ulat ni Nimfa Asuncion