Hindi naitago ni Assistant Majority Leader at Zambales Rep Jay Khonghun ang galit sa presensya ng Chinese Coast Guard vessel 5901 na tinagurian ding ‘monster ship’ ng China.
Aniya sukdulan na ito ng agresyon ng China na nanghimasok sa loob ng ating exclusive economic zone at hindi dapat palampasin.
Namataan ang naturang barko 54 nautical miles ang layo mula sa Capones Island sa Zambales noong Linggo.
“Ito na ang sukdulan ng agresyon. Walang karapatan ang China na pasukin ang ating teritoryo at EEZ. Ang mga barkong ito ay simbolo ng pambu-bully na hindi natin dapat palampasin,” diin ni Khonghun.
Ang mga ganitong aksyon aniya ay hindi lang paglabag sa international law ngunit banta rin sa ating teritoryo, soberanya, seguridad at kabuhayan ng ating mga kababayan na nakadepende sa karagatan.
Kasabay nito ay nanawagan ng kinatawan sa Philippine Coast Guard at Armed Forces of Philippines na paigtingin ang presensya sa naturang katubigan.
Sabi pa niya na hindi tayo dapat matakot at kailangan ipakita sa mundo na kaya nating ipaglaban ang ating mga karapatan sa ilalim ng UNCLOS o United Nations Convention on the Law of the Sea.
“Hindi tayo dapat tumigil sa pagsasabi ng ating mga hinaing. Kailangang paulit-ulit nating ipaalam sa international community ang ginagawa ng China. We need to strengthen our alliances, particularly with countries that uphold freedom of navigation and international law. This is a fight we cannot win alone,” dagdag pa ng kongresista. | ulat ni Kathleen Forbes