Isusulong ni Senador Sherwin Gatchalian na maimbestigahan sa Senado ang plano ng Social Security System (SSS) na taasan ang kontribusyon ng kanilang mga miyembro.
Sa Kapihan sa Senado, sinabi ni Gatchalian na maghahain siya ng resolusyon para masilip ang isyu at makapagkasa ng oversight investigation ang Senate Committee on Banks tungkol dito.
Ayon sa senador, kabilang sa mga sisilipin nila ang pamunuan ng SSS dahil na rin sa paniniwala niyang may problema sa pangangasiwa dito.
Nais rin aniya ng mambabatas na manghingi ng paliwanag mula sa SSS kung bakit hindi pa nito nakokolekta ang higit ₱90 billion na utang ng mga delinquent employers.
Ito aniya ang dapat na unahin kolektahin ng SSS bago sila magtaas ng kontribusyon at ipasa sa mga miyembro ang problema nila sa management.
Kabilang rin sa balak silipin ni Gatchalian ay ang investments ng SSS kung saan dapat ang kita na mula rito ay naibabayad sa iba pang benepisyo ng mga miyembro para hindi na magtaas sa kontribusyon. | ulat ni Nimfa Asuncion