Nasa proseso na ngayon ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pagsasapinal sa guidelines sa Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP)
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, nakipagpulong na ito sa Department of Labor and Employment (DOLE) at National Economic and Development Authority (NEDA) na katuwang nila sa pagbalangkas ng bagong alituntunin.
Sa pamamagitan nito, pahuhusayin umano ng tatlong ahensya ang mga gabay sa pagpapatupad ng programa habang tinitiyak na makakamit ang pangunahing layunin nito, na tugunan ang matinding epekto ng tumataas na inflation sa minimum wage earners.
Nakaangkla din umano ito sa mensahe ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na dapat ang mga makakatanggap ay mga below minimum wage earner at mga lubhang naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng bilihin o inflation.
Ayon pa sa kalihim, nais nilang makatiyak na maayos ang sistema sa pagpapatupad ng AKAP at hindi ito magagamit ng mga politiko sa kampanya para sa halalan sa Mayo.
Muling binigyang diin din ni Sec. Gatchalian, na ang DSWD lamang ang pangunahing nagpapatupad ng AKAP kasama na ang pagsuri sa mga potensyal na benepisyaryo. | ulat ni Merry Ann Bastasa