Tiniyak ni Senador Sherwin Gatchalian na isusulong pa rin niya ang imbestigasyon tungkol sa pananagutan ng mga lokal na bangko na nauugnay sa money laundering activities ni dating Mayor Alice Guo.
Aminado si Gatchalian na isa ito sa mga anggulo na hindi gaanong nabigyan ng pansin sa naging mga pagdinig ng senado.
Pero isa rin ang money laundering sa pinakamabigat na krimeng ginawa ng mga POGO kaya naman dapat lang silipin ang detalye nito.
Kabilang sa mga tinukoy ng senador ay kung paanong nakapasok sa bansa ang 7 billion pesos nang hindi nade-detect ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) at nang hindi dinedeklara ng mga bangko.
Giniit ng mambabatas na dapat ay automatikong dinedeklara ng mga bangko ang mga deposit na aabot ng 500,000 pesos.
Una nang inihain ni Gatchalian ang Senate Resolution 1193 para makapagkasa ng senate inquiry sa tila kabiguan ng mga bangko sa bansa na matukoy ang kahina-hinalang transaksyon ng mga POGO. | ulat ni Nimfa Asuncion