Nanawagan si Senador Alan Peter Cayetano sa mga law enforcement agencies ng bansa na agad na imbestigahan ang kaso ng pamamaslang kay Mervin Guarte, isang gold medalist sa Southeast Asian (SEA) Games at Airman First Class sa Philippine Air Force.
Apela ni Cayetano, gawin sana ng mga awtoridad ang lahat para mapanagot ang nasa likod ng pamamaslang na ito.
Binigyang-diin ng senador na walang puwang sa ating lipunan ang karahasan, at tungkulin ng lahat na tumulong sa pagkamit ng isang mas ligtas na Pilipinas para sa lahat.
Pinahayag rin ni Cayetano ang pagkalungkot sa pagpanaw ng isang talentadong atleta at dedikadong serviceman dahil lang sa isang walang saysay na karahasan.
Kasabay nito ay pinabatid ng mambabatas ang kanyang pakikiramay sa pamilya, mga mahal sa buhay na naiwan ni Guarte, sa sports community at sa Philippine Airforce sa pangyayaring ito.
Umaasa aniya siyang mamamayani ang nararapat na hustisya para kay Guarte. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion