Nanawagan si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada sa mga employer ng mga kasambahay sa Metro Manila at Caraga Region na sundin ang taas-sahod para sa mga domestic workers na ipatutupad ngayong buwan.
Matatandaang mula nitong January 4, 2025 ay itinaas na sa ₱7,000 kada buwan ang minimum wage para sa mga kasambahay sa Metro Manila alinsunod sa wage order na ibinaba ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board noong December 12, 2024.
Habang itinaas naman sa ₱6,000 ang minimum monthly wage ng mga domestic workers sa Caraga Region na magiging epektibo simula sa January 12, 2025.
Ipinaalala ni Estrada na sa ilalim ng Batas Kasambahay (RA 10361), na siya ang principal author, hindi lang pinoprotektahan ang mga kasambahay mula sa pang-aabuso, harassment, at karahasan kundi ginagawaran rin sila nito ng parehong labor rights at standards gaya ng sa iba pang mga manggagawa.
Muli ring ipinaalala ni Estrada ang patuloy na pagpapatupad ng iba pang probisyon ng Batas Kasambahay kabilang na ang pagbibigay ng benepisyo sa mga domestic workers gaya ng social security, Pag-IBIG, at PhilHealth. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion