Mahigpit ang gagawing pakikipag-ugnayan ng Department of Transportation (DOTr) sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), para sa pinaplanong malawakang rehabilitasyon ng EDSA ngayong 2024.
Ito ayon kay DOTr Secretary Jaime Bautista ay upang masiguro na hindi maaapektuhan ang biyahe ng mga commuter na bumabaybay sa EDSA para sa pang araw-araw na pasok o gawain.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ng opisyal na sa oras na gumulong na ang rehabilitasyon sa EDSA sigurado na mas bibigat ang trapiko sa kalsada.
Dahil dito, posible na mas maraming tumangkilik sa MRT 3 na ayon sa kalihim ay hindi maaapektuhan ng pagsasaayos.
Maging ang busway, hindi rin nila nakikitang maaapektuhan sa rehabilitasyon.
“Kung gagawin po iyan ay sigurado magkakaroon ng heavy traffic diyan, so we’re expecting na mas marami ngayon ang sasakay sa MRT 3 dahil ang MRT 3 ay hindi naman masyadong maaapektuhan nitong rehabilitation, ganoon din iyong EDSA Busway.” -Bautista
Ang nakikita aniya nila na maapektuhan dito ay ang lane na dinadaanan ng mga pribadong sasakayan.
“Although, siguro doon sa EDSA Busway, continuous pa rin iyong magiging operations niya. Ang maaapektuhan is iyong side na talagang ginagamit ng mga private vehicles.” -Bautista
Dahil dito, sila sa DOTr, DPWH at MMDA ay gagawin ang lahat upang masiguro na magiging banayad ang operasyon ng MRT 3 at EDSA busway.
“So, we will work closely with DPWH and with MMDA. Importante rin na makipagtulungan kami sa MMDA para maging smooth iyong operations ng EDSA Busway and iyong ating MRT 3.” -Bautista | ulat ni Racquel Bayan