Patuloy na natatapyasan ang lebel ng tubig sa ilang mga dam sa Luzon kahit pa may umiiral na bagyo.
Sa datos ng PAGASA Hydrometeorology Division, kaninang alas-sais ng umaga ay bumaba pa sa 190.08 meters ang lebel tubig sa Angat Dam, mula sa 190.35 meters water elevation nito kahapon.
Mas mataas na lamang ito ng bahagya sa minimum operating level ng dam na 180 meters.
Bukod sa Angat dam, nabawasan din ang imbak na tubig sa Ipo dam na nasa 99.02 meters at mas mababa na sa maintaining level na 101 meters.
Maging ang antas ng tubig sa Magat dam na nasa Isabela ay nabawasan rin ng 58 centimeters at ngayon ay nasa 173.78 meters.
Nabawasan rin ang antas ng tubig sa Ambuklao, Binga dam, at Caliraya dam.
Una nang sinabi ng PAGASA na posibleng hindi makadagdag sa lebel ng tubig sa ilang dam ang ulang dala ng bagyong Betty. | ulat ni Merry Ann Bastasa