Isinara na ng mataas na kapulungan ng kongreso ang period of interpellation para sa Maharlika Investment Fund (MIF) bill matapos ang halos siyam na oras na pagtatanong ng minority bloc ng senado.
Halos ala-una na ng madaling araw kanina nagsara ang sesyon ng senado matapos sagutin ng sponsor ng MIF bill na si Senador Mark Villar ang katanungan nina Minority Leader Koko Pimentel, Deputy Minority Leader Risa Hontiveros at independent Senator Pia Cayetano.
Kabilang sa mga tinanong ni Pimentel ang pangangailangang sertipikahang urgent ang MIF at kung ano ang public calamity na dapat tugunan para sa agarang pagpapasa ng naturang panukala.
Sagot ni Villar, si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang mas nakakaalam kung anong emergency meron ang bansa kaya nito sinertipikahang urgent ang panukalang batas at ang kapangyarihan tumukoy nito ay “purely executive”.
Pinaliwanag pa ni Villar na maaaring hindi physical ang emergency kundi pwede ring financial, social o economic emergency at sa pagkakataong ito, ang maharlika aniya ay makapagpapabuti ng economic situation ng Pilipinas.
Natanong rin ng Minority leader kung maaari bang mag-invest ang mga dayuhan sa MIF.
Sinabi ni Villar na ang kontrol ng MIF ay nasa ilalim ng Maharlika Investment Corporation (MIC) na kontrolado naman ng pambansang pamahalaan.
Bagamat sa ilalim ng panukala ay papayagan ang mga dayuhan na maging miyembro ng board ng MIC, mga Pilipino pa rin ang may kontrol sa MIC at wala silang voting interest sa pagpapatakbo ng MIC.
Pinatitiyak naman ni Senadora Risa Hontiveros na magiging malinaw sa panukala ang kaparusahan para sa mga opisyal na masasangkot aa korapsyon at maling paggamit ng pondo ng MIF.
Binahagi ni Villar na ang mga magiging opisiyal ng Maharlika Investment Corporation ay ituturing na mga public official.
Bukas naman si Villar na tumanggap ng amyenda sa panukala para matupad ang gusto ni Hontiveros na tukuyin ang parusang pagkakakulong para sa mga mag-aabuso o gagamit ng mali sa pondo ng Maharlika.
Matapos ang siyam na oras na pagtatanong, nais pa sana ni Pimentel na ipagpatuloy ngayong araw ang interpellation o ang pagtatanong pero nagmosyon na si Villar na isara ang interpellation o ang pagtatanong.
Bagay na tinutulan ng minority bloc kaya humantong ito sa botohan,
Sa huli, 2 senador lang o sina Pimentel at Hontiveros lang ang pumabor na ipagpatuloy ang interpellation habang 11 senador ang bumoto laban dito.
Dahol dito, ngayong araw ay bubuksan na ang period of ammendments sa MIF at bibigyan rin ng pagkakataon ang minority bloc na i-deliver ang kanilang contra speech sa panukala. | ulat ni Nimfa Asuncion