Mga police commander na hindi aaksyon sa iligal na sugal, sisibakin

Facebook
Twitter
LinkedIn

Nagbabala si PNP Directorate for Operations Director Police Brig. Gen. Leo Francisco na masisibak sa pwesto ang mga police commander na mabigong ipatigil ang ilegal na sugal sa kanilang nasasakupan.

Ang pahayag ay ginawa ng opisyal kasunod ng pagkakasibak sa Chief of Police (COP) ng Orion, Bataan kamakailan alinsunod sa “one-strike, no take” policy ni PNP Chief Police Gen. Benjamin Acorda Jr.

Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni BGen. Francisco na sasapitin ng iba pang opisyal ang kapalaran ng sinibak na hepe kung hindi nila aaksyunan ang mga sumbong tungkol sa ilegal na pasugalan sa kanilang area of responsibility.

Ayon kay BGen. Francisco, nagsasagawa ngayon ng validation ang Intelligence Group tungkol sa umano’y jueteng activities sa MIMAROPA, CALABARZON, Central Luzon, at iba pang rehiyon.

Nilinaw naman ni BGen. Francisco na hindi lang jueteng, kundi lahat ng uri ng ilegal na sugal tulad ng bookies, video carrera, at iba pa, ang sakop ng “One strike, no take” policy.

Ang pinaigting na anti-gambling campaign ay ipinag-utos ng PNP Chief, alinsunod sa kasunduan nila ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Rex Robles na magtulungan laban sa lahat ng uri ng ilegal na sugal sa bansa. | ulat ni Leo Sarne

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us