Ganap na ngang nagbalik loob sa pamahalaan ngayong araw ang may 44 na dating miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) na Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Ayon kay Metro Manila Council President at San Juan City Mayor Francis Zamora, Chairperson ng Regional Peace and Order Council-National Capital Region, 27 sa mga sumuko ay mga miyembro ng Communist Front Organization (CFO).
Habang 17 naman sa mga nagsisuko ay pawang mga aktibong miyembro ng Samahang Komunista na minsang naniwala sa ideolohiya ng armadong pakikibaka.
Bilang patunay ng kanilang pagtalikod sa kilusang komunista, isinuko din ng mga ito ang kanilang matataas na kalibre ng armas, mga improvised explosive device (IED), mga bala, magazine, granada at iba pa.
Sabay-sabay na nanumpa ang mga ito ng katapatan sa watawat ng Pilipinas at saka naman nila pinunit ang bandila ng kilusan bilang pagwawaksi sa armadong pakikibaka.
Tumanggap naman ang mga nagsisuko ng groceries at bigas, handog ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa panig naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director, Police Major General Edgar Alan Okubo, isasailalim ang mga nagbalik-loob na dating rebelde sa E-Clip program ng pamahalaan upang tahimik na silang makapamuhay sa sibilisadong lipunan. | ulat ni Jaymark Dagala