Hiniling na ng mga operator ng isang UV Express Transport Service sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board na mag-isyu ng Cease and Desist Order.
Ito’y para pigilan ang isang terminal operator sa pagpapataw ng suspension sa kanilang UV Operation.
Inirereklamo nina Ronald Iglesias at Mike Ang, mga lider ng Sauyo Transport Corporation si PUV Terminal Operator Manuel Cruz dahil sa pagsuspinde sa biyahe ng 37 sa 63 units ng kanilang kooperatiba nang walang sapat na dahilan.
Kinontra din ng mga ito ang pinapapirmahang kasunduan na ginawa ni Cruz, tulad ng membership fee, mga penalties, at iba pa, partikular na ang hatian ng kita.
Anila, 30% ng kita ng korporasyon ang gustong maging share ni Cruz.
Nagmistula na ring isang family corporation ang itinayo nilang transport cooperative.
Sa halip na pangangasiwaan ng nagkakaisang grupo ang korporasyon, ay lumalabas na kontrolado na lamang ito ni Cruz.
Dahil dito, napilitang magsagawa ng kilos protesta ang mga tsuper at operator sa kanilang terminal sa Quirino Highway, Novaliches, Quezon City laban sa pamamahala ni Cruz. | ulat ni Rey Ferrer