Pinalawig pa ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig ang dapat sana ay deadline ngayong araw para sa pagbabayad gayundin sa renewal ng business permit sa kanilang nasasakupan.
Batay sa anunsiyo ng Pasig City LGU, maaari pang magbayad ang mga negosyante sa lungsod hanggang Enero 31 para sa kanilang permit gayundin sa assessment ng kanilang negosyo.
Bukod dito, absuwelto rin sa surcharge at interes ang mga magbabayad ng permit hanggang sa katapusan ng buwang ito pero para lamang sa mga hindi delikuwente o walang paglabag.
Gayunman, sinabi ng LGU na kung hindi magbabayad ngayong araw, hindi na rin sila sakop ng ibinibigay na limang porsiyentong diskuwento sa business tax, sa halip ay kailangan na nila iyong bayaran ng buo.
Samantala, tuloy naman ngayong araw ang deadline sa renewal ng business permit gaya sa Marikina at San Juan habang bukas naman hanggang Sabado ang sa Mandaluyong City. | ulat ni Jaymark Dagala