Pormal nang nanumpa sa pwesto bilang bagong Miyembro ng Kamara si dating DSWD Sec. Erwin Tulfo.
Si House Majority Leader Mannix Dalipe ang nanguna sa panunumpa ni Tulfo na sinaksihan ng kaniyang pamangkin na si Rep. Ralph Tulfo.
Papalitan ni Tulfo si dating ACT-CIS representative Jeffrey Soriano na nagbitiw sa posisyon noong Pebrero.
Bago ito, nilinaw ni House Sec. General Reginald Velasco, hinihintay pa nila ang pormal na communication ng COMELEC para sa sertipikasyon na si Tulfo ang nominee para pumalit sa nabakanteng posisyon.
Oras na matanggap ang naturang certification ay saka maguumpisa o pormal na mauupo bilang kinatawan si Tulfo.
Magkagayonman, sapat na ang ipinadalang dokumento ng poll body na ibinasura na ang disqualification case laban kay Tulfo para siya ay manumpa.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas kay Tulfo sinabi ng bagong kongresista na umaasa sila na bago ang ikalawang SONA ni Pang. Ferdinand R. Marcos Jr. ay maresolba ng COMELEC en banc ang motion for reconsideration sa inihaing disqualification laban sa kaniya upang pormal na siyang makaupo.
Sa ngayon, ikinokonsidera na si Tulfo bilang kongresista ngunit wala pa lamang kapangyarihan na bumoto o makibahagi sa plenaryo o committee hearings.| ulat ni Kathleen Jean Forbes