Welcome sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pinaplanong pag-iimbestiga ng senado kaugnay sa isyu ng pagpapataw nito ng cease-and-desist order sa Gentle Hands Inc. na isang ampunan sa Quezon City.
Kasunod ito ng inihaing resolusyon ni Sen. Risa Hontiveros na Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality para magkasa ng imbestigasyon ‘in aid of legislation’ sa pagpapatigil ng operasyon ng naturang orphanage.
Sa isang pahayag, sinabi ni DSWD spokesperson Assistant Secretary Romel Lopez na handa silang humarap sa senado at sagutin ang lahat ng mga katanungan hinggil sa CDO, pati na sa pagbawi sa fire safety certificate ng Gentle Hands, at isyu sa disruption cases ng mga inampong bata mula sa GHI.
Naniniwala rin si Asec. Lopez na makatutulong ang imbestigasyon para magkaroon ng mga naaangkop na panukalang lalong magtitiyak sa kapakanan at proteksyon ng mga kabataan.
Una na ring sumulat ang DSWD sa Commission on Human Rights (CHR) at Association of Child Caring Agencies of the Philippines (ACCAP) na nagtitiyak sa kanilang nasa maayos na pangangalaga ang mga kabataang inilipat mula sa GHI patungo sa tatlong DSWD-operated child care facilities. | ulat ni Merry Ann Bastasa