Matapos ang halos tatlong dekada, makatatanggap na ang mga beteranong may kapansanan ng mas mataas na buwanang disability pension matapos ratipikahan ng Senado ang reconciled bicameral conference committee report, tungkol sa panukalang batas na magpapataas sa mga benepisyo ng mga beteranong sundalo at kanilang dependents.
Sinabi ni Senate Committee on National Defense Chairperson Senador Jinggoy Estrada, sponsor ng Senate Bill 1480, na mabibigyan na ng karampatang dignidad, respeto at pangangalaga ang mga beteranong may kapansanan.
Sa ilalim ng panukala, ang disability base rate ay itataas sa P4,500 mula sa kasalukuyang P1,000.
Ang mga kasalukuyang tumatanggap naman ng P1,700 na may pinakamataas na disability rating ay tatanggap na ng P10,000 habang ang buwanang pensyon na P500 para sa asawa at bawat menor de edad na anak ay itataas na sa P1,000. Kapag naratipikahan na ng Kamara at Senado, iaakyat na ang enrolled bill ng panukalang ito sa Malacañang para mapirmahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at tuluyan nang maging isang batas. | ulat ni Nimfa Asuncion