Pinulong ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga transport consortium at bus operators upang pag-usapan ang mga problema at reklamong natatanggap mula sa mga pasahero ng EDSA Bus Carousel.
Kasama sa pulong ang mga opisyal ng LTFRB at PNP-Highway Patrol Group upang maisaayos ang operasyon ng Bus Carousel.
Sa pangunguna ni MMDA General Manager Procopio Lipana, tinalakay ang karaniwang mga problema tulad ng pag-dispatch sa mga bus, loading at unloading ng mga pasahero at pasaway na driver.
Sinabi ni Lipana na napagdesisyunan ang mas mahigpit na implementasyon ng batas-trapiko sa EDSA Busway at panghuhuli sa mga lalabag.
Bukod dito, pinag-usapan ang pagpaparehistro ng mga driver at bus sa MMDA Bus Management and Dispatch System upang ma-monitor kung sino sa mga ito ang marami nang nalabag na batas-trapiko.
Tututukan naman ng HPG ang mga namamalimos sa EDSA Bus Carousel habang pagtutuunan ng pansin ng LTFRB ang pagtukoy sa mga colorum na bus.| ulat ni Hajji Kaamiño