DSWD, namahagi ng tulong sa mga pamilyang napinsala ang tahanan bunsod ng Bagyong Betty

Facebook
Twitter
LinkedIn

Bilang bahagi ng nagpapatuloy na disaster response efforts sa mga apektado ng Bagyong Betty ay sinimulan na rin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng cash aid sa mga pamilyang napinsala ang tahanan dahil sa kalamidad.

Ayon sa DSWD, mayroon nang isang pamilya sa Laoac, Pangasinan na nasira ang tahanan dahil sa isang nabuwal na puno ang napagkalooban nito ng ₱10,000 financial assistance sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).

Isa ring pamilya na may partially damaged house ang tumanggap naman ng ₱5,000 para sa pagpapaayos muli ng kanyang tahanan.

Bukod sa financial aid, nakatanggap rin ang mga apektadong pamilya ng Family Food Packs (FFPs), hygiene kits, sleeping kits, family kits, kitchen kits at laminated sacks.

Sa Region III naman, nakapaghatid na rin ang DSWD ng 1,305 FFPs sa mga mangingisda namang naapektuhan ng “No Sailing Policy” sa Dingalan, Aurora.

Batay sa pinakahuling ulat ng DSWD Disaster Response Management Bureau (DRMB), aabot na sa inisyal na ₱300,000 ang naipamahaging humanitarian assistance ng DSWD sa mga pamilyang tinamaan ng bagyo sa Ilocos at Cagayan Valley Regions.

Aabot na rin sa halos kalahating milyon ang halaga ng ayuda na nailaan sa mga pamilyang naapektuhan ng habagat na pinalakas pa ng Bagyong Betty.

Sa kasalukuyan, nakatutok na rin ang DSWD sa lagay ng nasa 86 pamilya o 357 indibidwal na nananatili sa evacuation centers sa IIocos, Cagayan Valley at Central Luzon Regions. | ulat ni Merry Ann Bastasa

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us