Ipinagmalaki ng Bureau of Internal Revenue na aabot sa ₱336.020 bilyon ang halaga ng buwis na nakolekta nito sa buwan ng Abril.
Mas mataas ito ng 11.67% sa kanilang tax collection target para sa naturang buwan na katumbas ng higit ₱35 bilyon.
Ayon sa BIR, higit 40% o ₱96 bilyon din itong mas mataas kumpara sa koleksyon noong Abril ng 2022.
Kung susumahin naman ang pinagsama-samang koleksyon mula Enero hanggang Abril ay umabot sa 841.179 bilyong piso ang kabuuang koleksyon, mas mataas ng 13.31% kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ipinunto naman ng BIR na ang mataas na collection performance nito ay indikasyon na maraming Pilipino ang tumalima sa panawagan ni BIR Comm. Lumagui kaugnay sa paghahain ng 2022 Annual Income Tax returns sa tamang oras at pagbabayad ng tamang buwis.
Para sa taong 2023, tinatarget ng BIR na makakolekta ng kabuuang ₱2.599 trilyon.
“In the days to come, we hope to see a continuous improvement in the level of voluntary compliance of our taxpayers with the BIR’s registration, filing and tax payment requirements as the Bureau continues to implement programs and projects to make tax compliance easier for them,” pahayag ni Commissioner Lumagui. | ulat ni Merry Ann Bastasa