Nagkaroon ng paggalaw sa presyo ng ilang pangunahing bilihin sa bansa partikular ng agricultural commodities noong nakalipas na buwan ng Mayo base sa pinakahuling monitoring ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Ayon sa PSA, tumaas sa ₱0.18 hanggang sa ₱3.07 ang retail price ng kada kilo ng bigas sa limang trading centers.
Nagkaroon din ng pagtaas na ₱5.00 hanggang ₱25.00 sa kada kilo ng baboy sa limang trading centers.
Maging ang sibuyas ay patuloy ang pagtaas kung saan naitala ng PSA ang ₱2.00 -₱35.00 na dagdag sa kada kilo ng sibuyas sa 10 trading centers.
Samantala, bumaba naman ang average retail prices sa kada kilo ng galunggong na may tapyas na ₱5.23 -₱35.00 sa pitong trading centers.
Gayundin ang asukal, partikular ang brown sugar ay may naitalang tapyas na mula ₱0.23-₱4.88, sa pitong trading centers.
Kadalasang malaking factor ang paggalaw ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa Inflation rate ng bansa. | ulat ni Merry Ann Bastasa