Iginiit ni House Committee on Labor and Employment Chair Fidel Nograles na hindi pa patay ang laban para sa dagdag-sahod ng mga manggagawa.
Ito ay kahit hindi naaprubahan ang panukala sa ikatlo at huling pagbasa bago mag-adjourn ang sesyon nitong Miyerkules.
Aniya, mayroon pang dalawang linggo ang 19th Congress sa Hunyo kaya hindi dapat mangamba ang mga manggagawa.
“Huwag po kayong mangamba, hindi natin hahayaang mauwi sa wala ang pagsisikap natin para sa umento sa sahod—patuloy po natin itong ipaglalaban nang maipasa ang panukala sa 19th Congress,” saad ni Nograles.
Nanghihinayang si Nograles na hindi naaprubahan sa third reading ang panukalang ₱200 na dagdag sa sweldo ng minimum wage earners nang dahil sa “three-session-day rule.”
Hindi rin kasi aniya ito na-sertipikahan bilang urgent kung saan maaari sana ito pagtibayin sa second at third reading sa loob ng isang araw.
Mahalaga naman aniya na patuloy na ipanindigan ang panawagan para maipasa ang umento sa sahod lalo’t pangunahing alalahanin aniya ang trabaho, food security, at kakayahang makasabay sa tumataas na presyo ng bilihin at serbisyo. | ulat ni Kathleen Jean Forbes