Pinapaspasan na ng Quezon City local government ang paghahakot sa mga naiwang nabulok na karne mula sa nasunog na cold storage facility sa Barangay Del Monte.
Ayon sa LGU, nagtalaga na ito ng mga karagdagang tauhan para tumulong sa Glacier North Refrigeration Services dahil sa maaaring epekto nito sa komunidad.

Umabot na rin sa 91% ng higit sa 4,000 tonelada ng nabubulok na mga karne at debris ang nahakot ng hauling company na kinontrata ng Glacier.
Nananatiling nakaantabay naman ang response teams ng QC Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) para i-monitor ang sitwasyon gayundin ang Department of Sanitation and Clean Up Works na sinusuri ang tamang pagtatapon ng karne at debris ng Glacier.

Nakatutok rin ang QC Veterinary Department para matiyak na nalalagyan ng apog (Calcium Carbonate) ang mga debris at basura.
Sa ngayon, pinabibilis na ng lokal na pamahalaan ang pagtugon sa sitwasyon para maiwasan ang hindi kaaya-ayang amoy sa pitong apektadong barangay. | ulat ni Merry Ann Bastasa
QC LGU
