Muling nagpaalala ang Civil Service Commission (CSC) sa mga ahensya ng pamahalaan na bawal ang paglilipat ng sinumang opisyal o kawani ng gobyerno, pag-hire, at pag-apruba ng promotion ngayong panahon ng halalan 2025.
Ito’y alinsunod na rin sa COMELEC Resolution No. 10999 o may kaugnayan sa Election Ban para matiyak ang patas at maayos na paglilingkod sa publiko kahit may eleksyon.
Sa ilalim nito, bawal ang pag-transfer ng personnel mula January 12 hanggang June 2025.
Suspendido naman ang hiring at promotion mula March 28 hanggang May 11, 2025 kasama ang mga bagong posisyon at pagpapatupad ng salary increases.
Ayon sa CSC, maaari lamang magkaroon ng exceptions sa maituturing na “essential roles” na may awtorisasyon mula sa COMELEC.
Kaugnay nito, nagbabala ang CSC na ang anumang ‘appointments’ ng sinumang outgoing officials matapos ang halalan hanggang June 30 ay walang bisa.
Ang paglabag dito ay maaaring humantong sa pagpawalang-bisa ng mga appointment o pagsasampa ng election offense charges. | ulat ni Merry Ann Bastasa